(083) 238 5143 | [email protected]
PTC SURALLAH MAGBUBUKAS NG DIPLOMA PROGRAM
Pinaghahandaan ng Provincial Training Center (PTC) Surallah ang pagpapalakas ng mga programang Technical-Vocational Education and Training (TVET) sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa South Cotabato State College (SCSC), kaugnay ng planong pagbubukas ng Diploma Program sa agrikultura sa taong 2026.
Isinagawa ang isang pulong sa pagitan nina PTC Administrator Pamela Lyn B. Casa at SCSC President Dr. Edward Lovell B. Brillantes, kasama ang mga kinatawan mula sa PESO Surallah at CTEC, upang talakayin ang balangkas ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa implementasyon ng programa at ang posibleng akademikong landas ng mga mag-aaral patungo sa Bachelor’s Degree.
Bilang suporta sa inisyatiba, nakatakdang magbigay ang CTEC at PESO Surallah ng tulong sa empleyo upang matiyak ang mas malinaw na oportunidad sa trabaho para sa mga magtatapos ng diploma program.
Ayon kay Administrator Casa, target na mapirmahan ang MOA sa Pebrero ngayong taon, na magsisilbing panimula ng mas pinalakas na TVET offerings sa PTC Surallah. Nauna nang binigyang-diin ni TESDA XII Acting Regional Director Remegias G. Timonio na ang mga programang diploma ng TESDA ay kinikilalang lehitimo at epektibong hakbang tungo sa edukasyon at hanapbuhay.
Matatandaang ang TTC–General Santos City ang kauna-unahang institusyon sa rehiyon na naglunsad ng Diploma Program sa agrikultura. Sa kasalukuyan, layunin ng TESDA Region XII na palawakin pa ang mga diploma program upang higit na mapaangat ang TVET sa buong rehiyon.
✍️ : Ryan Fuerte
